PAUNAWA: Ang mga talata sa 'entry' na ito ay ilalahad sa wikang Filipino.
Nauunawan kong malaya ang lahat na ilahad ang kanilang mga saloobin ukol sa isang bagay. Karapatan naman ng isang tao na sabihin kung ano ang tingin niya sa lipunan at sa kung ano mang katotohanan mayroon ito sa kasalukuyan. Ngunit kaakibat nito ang malayang pagpapahayag din ng mga reaksyon, maganda man o hindi patungkol sa damdaming naunang naihayag.
Kamakailan, habang ako'y naghahanap ng mga artikulo para sa mga balitang kailangan naming ipadala sa mga marino, isang pamagat ang pumukaw ng aking atensyon, nabasa ko ang mga katagang "Filipino is not the language of the learned..."; naintriga ako kaya't hindi ako nagdalawang isip na basahin ang nakapaloob sa artikulo. Habang binabasa ko ang mga nakasulat doon ay hindi ko maiwasang malungkot at mainis. Lalo kong naisip na hanapin ang buong artikulo kung saan nailahad na:
"Filipino is the “language of the streets" – “how you spoke to the tindera when you went
to the tindahan, what you used to tell your katulong that you had an utos, and how you
texted manong when you needed sundo na."
Dahil hindi buo ang artikulo, hinanap ko sa pamamagitan ng "Google" ang buong artikulo ni James Soriano. Iniisip ko, baka naman may mga maganda rin siyang sinabi tungkol sa paggamit ng wikang Filipino. Ayoko munang ibigay ang buo kong paghuhusga kung hindi ko rin lamang mababasa ang buo niyang artikulo. Salamat sa mahabang bakasyon, nagkaroon ako ng oras para mahanap ang artikulo niya.
Aminado naman akong nais niyang ipakita sa artikulo niya ang realidad na mayroon ang ating lipunan ngayon. Totoong mahalagang matuto ng wikang Ingles, ako man ay sang-ayon dito. Importante ang wikang Ingles upang makahanap ka ng magandang trabaho. Sa aking karanasan, ang lahat ng mga pinuntahan kong 'job interviews' ay kinailangan kong mag-Ingles. Ganito naman ang realidad; ito ang mundong mayroon tayo ngayon. Lalo na sa kasalukuyan kung saan naglipana ang Call Center/BPO sa napakaraming lugar at hindi na maitatanggi na hitik ang industriyang ito ngayon. Ingles ang wikang kailangan sa industriyang iyon dahil dayuhan ang kanilang mga kliyente.
Mahalagang marunong kang magpahayag ng iyong sarili sa wikang Ingles lalo kung makikipag- usap ka sa ibang lahi o pupunta ka sa ibang bansa dahil ang Ingles ay ang “universal language” ito ang wikang alam ng halos lahat ng tao, dito na pumapasok ang Imagined Community ni Benedict Anderson (nagkakaroon ng bigkis ang mga tao kahit magkakahiwalay sila dahil sa isang bagay na alam o mayroon sila) ; ngunit hindi ito nangangahulugang dapat mo nang itakwil ang wikang Filipino. Hindi rin naman nangangahuluhang wala kang pinag- aralan kung mas ninanais mong gumamit ng wikang Filipino.
Hindi naman masusukat ang pinag-aralan ng isang tao sa galing niyang magsalita ng wikang Ingles. Mas mahalaga pa rin ang nilalaman ng mga sinasabi o kung sa Ingles ay ang 'thought' sapagkat narito ang diwa ng mga salitang bibitawan ng isang tao.
Sa talata kung saan binanggit ni Soriano na:
"These skills were required to survive in the outside world, because we are forced to
relate with the tinderas and the manongs and the katulongs of this world. If we wanted to
communicate to these people — or otherwise avoid being mugged on the jeepney — we needed
to learn Filipino."
Hindi man niya tuwirang sinabi, ngunit sa pamamagitan lamang ng mga salitang kanyang ginamit at sa ayos ng kanyang pangungusap, parang inuyam nya ang katayuan sa lipunan ng mga tindera, katulong at "manong"/ drayber. Hindi man niya tuwirang sinabi ngunit alam mong pinapakahulugan niyang ang mga taong nabanggit ay hindi nakapag-aral o hindi nakatapos ng pag-aaral kaya hindi sila marunong mag-Ingles. Pakatandaan sana nating lahat na maraming dahilan kung bakit hindi nakapag-aaral o nakatatapos ng pag-aaral ang isang tao, isa na rito ang kahirapan. Wala namang taong pinili ang kahirapan, ito ay isang katotohanang sadyang hindi maiiwasan o matatakasan. Hindi masusukat ang pagkatao ng isang indibidwal sa pamamagitan ng kanilang katayuan sa lipunan. Para na niyang sinabing ang mga taong ito ay hindi kabilang sa mundong kanyang ginagalawan; na siya ay iba at malayong-malayo sa mga taong nabanggit. Kung hindi man tuwirang makapagsalita ng Ingles, marahil naman ay nakaiintindi sila. Hindi rin naman nila kasalanang hindi sila maalam magsalita ng Ingles.
Ano ba ang punto sa pagsasabing "survive in the outside world" kung ikaw ay nasa Pilipinas? Baka hindi niya naiintindihang siya ang nasa ibang mundo dahil ang bansang ito ay Pilipinas, ang mga tao dito ay Pilipino at ang pambansang wika ay Filipino. Hindi rin yata nagtutugma ang katagang "That being said though, I was proud of my proficiency with the language", paano niya masasabing ipinagmamalaki niyang nakapagsasalita siya ng Filipino kung puro pang-uuyam naman dito ang iyong binabanggit? Kung gagamit ka ng salitang IPINAGMAMALAKI, hindi ba dapat ay panindigan mo ang iyong sinasabi saan mang aspeto nito? Marahil hindi na dapat "proud" ang salitang kanyang ginamit. Maaari na siguro na sabihin niyang nagpapasalamat siya na kahit paano ay matatas siya sa paggamit ng wikang Filipino kaya't nakakaya niyang makipagsabayan pa rin sa kanyang mga kamag-anak.
Nais ko ring bigyang reaksyon ang bahagi kung saan sinabi niyang: It was the reading and writing that was tedious and difficult. "I spoke Filipino, but only when I was in a different world like the streets or the province" Mukhang inuuyam niya rin ang mga tao sa probinsiya. Isang isteryotipikong pananaw kasi na ang mga taong nasa lalawigan o probinsiya ay hindi nakapagsasalita ng Ingles sapagkat sila ay nasa rural at ang Ingles ay laganap sa urban. Iniisip kasi marahil ng marami na ang rural, bilang wala sa sentro ay hindi kayang makipagsabayan as urban. oo, ang halos lahat ng pangangailangan ng tao ay nasa urban sapagkat narito ang iba't ibang establisyimento na nakatutulong sa pamumuhay ng bawat tao. Hindi naman lahat ng tao sa probinsiya ay hindi nakapagsasalita ng Ingles. Sabihin na nating, maaaring hindi sila matatas, ngunit hindi naman ito nangangahulugang hindi nila kayang makaintindi o makapagsalita ng Ingles sa ano mang paraang makakaya nila.
"But more significantly, it was its own way of reading, writing, and thinking. There are
ideas and concepts unique to Filipino that can never be translated into another. Try
translating bayanihan, tagay, kilig or diskarte".
Sa bahaging ito, hindi talaga maisasalin sa Ingles ang mga nabanggit niyang konsepto dahil ang mga ito ay nasa Kulturang Pilipino. Sa aking opinyon, iba't iba ang kultura ang mga nakapaloob dito. Hindi talaga tuwirang maisasalin ang "bayanihan"sapagkat ito ay nasa Kultura. Kung isasalin mo iyon sa Ingles, mawawala na ang totoong diwa ng "bayanihan". Sa aking karanasan, ilan na ang nakausap ko na nagsabing mahirap ang pagbabasa at pagsusulat sa wikang Filipino. Ako man na nag-aral at nagtapos sa kursong Philippine Studies ay aminadong may mga salita sa Filipino na hindi ko alam sa umpisa ngunit nang lumaon ay naiintindihan ko naman at naisasalin sa mas mababaw na salitang alam ko. Habang ang mga mag-aaral na nakatakdang magsipagtapos ng kolehiyo ay gumagawa ng "thesis" na nasa Wikang Ingles, ang aking pag-aaral ay nakasulat sa Wikang Filipino. Hindi ito biro dahil marami akong ginamit na materyal na nasa Ingles at kailangan ko pang isalin ito sa Wikang Filipino para maisama sa aking pag-aaral. Kung ang oras mo sa paggawa ng "thesis" ay iyong dinodoble, marahil, sa amin ay "triple" dahil ang pagsasalin ay nangangailangan ng oras. Kaya para na rin sa nagsasabing madali ang ang kursong tinapos ko, hindi sa lahat ng pagkakataon ay tama kayo, kung ano man ang narating ko o nakuha ko noong nag-aaral ako, lahat ng iyon ay bunga na rin ng aking pagtitiyaga at determinasyong makakuha ng matataas na marka.
Mainam din naman na inamin ni Soriano na higit pa siya sa malansang isda dahil sa pagiging dayuhan sa wikang dapat ay gamay na gamay niya. Ngunit biglang kabig naman ulit siya sa pagtatapos ng kanyang artikulo:
"For while Filipino may be the language of identity, it is the language of the streets. It
might have the capacity to be the language of learning, but it is not the language of the
learned. It is neither the language of the classroom and the laboratory, nor the language
of the boardroom, the court room, or the operating room. It is not the language of
privilege".
Paano niya masasabing "Filipino is not the language of the learned" kung may mga politikong nakapagsasalita ng Filipino. Hindi ba't Filipino ang ginamit ni Pnoy sa kanyang SONA? Filipino rin ang madalas na gamitin ni Chiz Escudero. Filipino rin ang ginagamit ng mga mamamahayag sa pagbabalita nila.
Batid kong may punto si James Soriano na ipakita ang realidad ng kasalukuyang lipunan, ngunit, masyado yatang natuon sa kanyang personal na pang-uuyam (sa Wikang Filipino) ang buo niyang artikulo. Sana, bago siya nagbitiw ng mga salita ay tinanong niya muna ang kanyang sarili kung sapat ba ang kanyang nalalaman tungkol sa wikang Filipino. Hindi ako nagmamagaling. Hindi ko sinasabing alam kong lahat ang sistema ng wikang Filipino, ngunit bilang isang Pilipino, aangkinin at ipagmamalaki ko ang sarili kong Wika dahil kung itatakwil ko ito ay para ko na ring itinakwil ang tunay kong pagkakilanlan. Ipinagmamalaki kong nakapagsasalita ako ng Ingles, sa katunayan, ang halos lahat ng nasa aking 'blog' ay nakasulat sa Ingles, pero mas ipinagmamalaki kong nakapagsasalita ako ng dalawang Wika - Ingles at Filipino.
**
para sa ano mang suhestiyon, komento at iba pang reaksyon, malaya kayong makapagpapadala ng inyong mensahe sa: joanne_camet@yahoo.com

0 comments:
Post a Comment